Hunyo 17, 2026 – Nagsagawa ang BFAR–National Capital Region, sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Farmers’ Market, ng isang oryentasyon sa food safety, proper fish handling, at mga mahahalagang probisyon ng Philippine Fisheries Code para sa mga fish vendor at mamimili sa Farmers’ Market, Cubao, Quezon City.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa ligtas na paghawak, wastong pag-iimbak at pagbebenta ng isda at mga produktong pangisdaan, at mga mahahalagang nilalaman ng Philippine Fisheries Code.
Dinaluhan ang oryentasyon ng 60 kalahok na binubuo ng mga stall owners, fish vendors, mamimili, market personnel, at mga kinatawan mula sa Market Inspectors District 3 ng Local Government Unit – Quezon City.
Binigyang-diin ni Regional Director Dr. Noemi SB. Lanzuela ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mapanatili ang kaligtasan ng pagkain at responsableng pangangalakal ng mga produktong pangisdaan.
“Tandaan po natin na ang food safety ay hindi lamang responsibilidad ng iisang sektor. Ito ay responsibilidad nating lahat. Kapag nagtulungan ang mga nagtitinda, mamimili, market administrators, at mga ahensiya ng pamahalaan, mas nagiging ligtas, maayos, at maunlad ang ating pamilihan”.
Nagbahagi rin ang BFAR-NCR ng mga Information, Education, and Communication (IEC) materials at impormasyon tungkol sa Fisheries Scholarship Program.




















