Mayo 13-14, 2026 – Matagumpay na naipatupad ang aktibidad na “Purchase and Retrieval of Invasive Fish Species” sa pamamagitan ng pagtutulungan ng BFAR-NCR, Lake Management Office (LMO), at City Fisheries and Aquatic Resources Management Councils (CFARMCs) ng Lungsod ng Muntinlupa sa ilalim ng programang Balik Sigla sa Ilog at Lawa (BASIL).
Pinangasiwaan nina Regional Director Noemi SB. Lanzuela at Lorna B. Misa, OIC ng Lake Management Office, ang nasabing ugnayan na naglalayong tiyakin ang pagpapanatili ng balanse na ekolohiya sa Laguna de Bay.
Isinagawa ang aktibidad sa dalawang magkahiwalay na yugto. Una, nagsimula ito sa “Retrieval and Disposal Phase” noong Mayo 13, kung saan ang mga rehistradong mangingisda mula sa lokal na komunidad ang mismong nanguna sa paghuli ng mga mapaminsalang uri ng isda sa lawa. Sa unang araw, kabuuang 1.2 toneladang invasive species ang matagumpay na nakuha na binubuo ng 578.5 kg ng Janitor Fish at 621.5 kg ng Knife Fish.
Upang matiyak na hindi na makabalik at makapinsala pa sa natural na tirahan ng mga isda, agad na ibinaon ang mga Janitor fish sa isang itinalagang lugar. Samantala, dinala naman ang mga nakolektang Knife fish sa National Inland Fisheries Technology Center (NIFTC) sa Tanay, Rizal. Ang mga ito ay opisyal na ipinagkaloob ng BFAR-NCR upang iproseso at gawing kapaki-pakinabang na pakain sa isda (fish feeds).
Ginanap naman nitong Mayo 14 ang ikalawang yugto na nakatutok sa “Disbursement of Funds” para sa mga nakilahok na mangingisda. Ang operasyong pinansyal na ito ay pinamunuan ni Gng. Divina Arlene M. Gillego, OIC ng Cashier Section ng BFAR-NCR. Pangunahing layunin ng bahaging ito na matiyak na ang bawat kalahok ay makatatanggap ng kaukulang insentibong salapi batay sa binitawang timbang ng kanilang huli, na kung saan ay isinabay na rin ang pamamahagi ng bayad para sa programang Cash-for-Work na nagbigay ng direktang suportang pangkabuhayan para sa lokal na komunidad ng mga mangingisda.# (AKP)














