Ang BFAR – National Capital Region (BFAR-NCR) ay nakikilahok sa Manila Food and Beverages Exposition (MAFBEX) 2026 na sinimulan noong Hunyo 10 at magtatapos sa ika-14 ng Hunyo 2026 sa World Trade Center Metro Manila, Pasay City.
Bilang isa sa pinakamalaking eksibisyon para sa industriya ng pagkain at inumin sa bansa, nagsisilbing mahalagang plataporma ang MAFBEX upang maipakita ng BFAR-NCR ang mga programa, proyekto, at inisyatiba nito para sa pagpapaunlad at pagpapalawak ng mga oportunidad sa pamilihan para sa mga produktong pangisdaan.
Sa taong ito, tampok sa BFAR-NCR booth ang iba’t ibang de-kalidad na fishery products ng mga partner exhibitor na Superb Catch, Inc. at Fitrite, Inc. Ipinapakita rin ng kanilang pakikilahok ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagsusulong ng ligtas, napapanatili, at mataas na kalidad na mga produktong pangisdaan para sa sambayanang Pilipino.
Bilang bahagi ng mga aktibidad sa loob ng limang araw na eksibisyon, pinangunahan ni BFAR-NCR Regional Director Noemi S.B. Lanzuela ang pakikiisa ng opisina sa Market Matching Activity. Ito ay isang mahalagang gawain na naglalayong pag-ugnayin ang mga producer, negosyante, at iba pang stakeholder upang mapalawak ang mga oportunidad sa merkado at mapatatag ang ugnayan sa loob ng fisheries value chain.





























