Upang patuloy na mapa-igting ang pagpapatupad ng mga batas pangisdaan at supilin ang bentahan ng mga isdang nahuli gamit ang ilegal na pamamaraan, isang Fish Examiners’ Training ang isinagawa ng FishCoRe FCU – NCR, katuwang ang Enforcement, Regulatory, Management, Control and Surveillance Operation Center (ERMCSOC) at Regional Fisheries Training and Fisherfolk Coordination Division (RFTFCD) ng BFAR-NCR sa BFAR Fishery Law Enforcement Bldg., Pagbilao, Quezon Province. Nagsimula ang nasabing pagsasanay noong ika-22 ng Setyembre hanggang Oktubre 7, 2025. Ito ay nilahukan ng mga LGU Staff mula sa mga syudad ng Metro Manila at mga BFAR – NCR technical personnel.
Nagsilbing mga tagapagturo at tagapamahagi ng kaalaman ang mga tauhan ng BFAR – NCR ERMCSOC sa pangunguna ni G. Ohjee V. Cabilogan (OIC, ERMCSOC), G. Arman S. Cabanig, BFAR-NCR Legal Officer, Atty. Arnulfo B. Balace at G. Angelito A. Arnuco, Fish Examiner mula sa BFAR – Central Office.
Kabilang sa mga natapos nang diskusyon ang pagtukoy ng isda (fish identification), tamang pag-inspeksyon, at pag-detect ng mga isdang nahuli gamit ang dinamita. Ang ebalwasyon ng mga pagsusulit at mga resulta ng aktwal na-pagiinspect ay isinigawa ng mga tagapagturo upang sistematikong matukoy din kung sino ang mga kwalipikadong fish examiners mula sa mga kalahok.
Layunin ng pagsasanay na ito na palakasin ang kakayahan at kaalaman ng mga kalahok sa mga estratehiya at pamamaraan sa pagtukoy at pag-detect ng mga isdang nahuli gamit ang mga ilegal na pamamaraan ng pangingisda. #(MGB/JPC)






















































