Upang masiguro na ang prosesong ipinatutupad sa pag-inspeksyon, pag-beripika at pag-sertipika ng mga produktong pangisdaan sa Central at Regional Fisheries Inspection and Quarantine Offices ay parehas o iisa, ang Regional Fisheries Inspection and Quarantine Unit (RFIQU) ay sumailalim sa isang Internal Audit nitong ika-14 hanggang ika-18 ng Hulyo.
Ito ay pinangunahan ito ni Auditor Efren V. Hilario ng Fisheries Inspection and Quarantine Division – FIsheries Audit Section (FIQD-FAS) ng BFAR-Central Office na siya namang pinaunalakan ng BFAR-NCR sa pangunguna ni Nonie P. Enolva, OIC-FMRESSD.
Layunin ng audit na beripikahin ang pagsunod ng opisina sa mga pamantayan ng ISO/IEC 17020:2012 at ISO 9001:2015 na may kaugnayan sa pambansa at pandaigdigang regulasyon sa kaligtasan ng pagkain, pagpapatupad ng documented Manual of Procedures (MOP) sa opisyal na pagsusuri, at sertipikasyon ng isda at mga produktong pangisdaan.
Ang mga opisinang sumailalim sa audit ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Fisheries Certification Unit (FCU), Live Aquatic Animal Inspection Section (LAAIS), Fisheries Inspection Unit (FIU), NAIA, One Stop Export Document Center (OSEDC), Manila North Harbor (MNH), Manila South Harbor (MSH), Manila International Container Port (MICP), at Navotas Fisheries Inspection Quarantine and Licensing Station (NFIQLS).
Kinilala ng pamunuan ng BFAR-NCR-RFIQU ang mga resulta ng audit at mas pagtutuunan ito ng pansin upang ayusin at mas mapabuti at mapaayos pa lalo ang serbisyo. Ang RFIQU ay magsasagawa ng napapanahong mga hakbang upang iwasto ang mga isyung natukoy. Isang detailed action plan ang isusumite ng opisina sa kinauukulan bilang pagpapakita ng pagtatalaga nito sa patuloy na pagpapabuti at pagsunod sa lahat ng umiiral na pamantayan. #(RLS/JGL)









